PAG-AKYAT SA BUNDOK A Spoken Word Poetry
May lumuksong ideya sa aking kaisipan , Pangarap na nililok ng isang nakakulong na liwanag sa madaling araw; Binuo ng sumisingaw na kapighatian, Binuhay ng anak ng liwanag, Sa mabilis na sumasalubong umaga.
Ang mga damo ay maghihintay, Upang ang kanyang mga butil ng hamog ay patuyuin ng aking mga panyapak.
Ang mga dahong tahimik naman, Ay bahagyang iindayog, Tila sasayaw sa bawat pagpunas ng pawis ng isang manlalakbay.
Yayakap ang isang kakaibang lamig, Sa nasa loob ng kasuotang dadalhin. Ang haharap na mundo ay dudungaw mula sa kalayuan, Sa mga matang mabibighani sa kanya.
Iaangat ng mga oras ang aking mga paa. Sila ay hahakbang patungo sa panganganak ng naglaro sa guni-guni. Saluhin mo Kabundukan ang aking mga bibigkasin sa iyo.
Pakinggan mo ang nasa loob ng aking puso sa ating pagtatagpo. Dahil ikaw ay aking aakyatin. Ang iyong bagnos ay aking susundan kapiling ang aking matamis na anino.
Sagutin mo ang mga katanungan ng aking puso dahil pinapunta nila ako sa iyo. Ikaw ang kabundukan ng aking puso. Ikaw ang nasa loob ng aking mga emosyon. At ngayon ay nais kitang akyatin. Paulit-ulit kitang aakyatin...